Tuesday, January 28, 2014

WIKA? HALA! ANO YUN?!


Wika? Hala! Ano yun?!
Ni James Gideon Tinsay at Jedd Francis De Luna

     Ang limang artikulo naming napili ay ang Pamamahayag, Ekonomiya at Wika ni Danilo Arao, Nasyonalisasyon ng Kultura, Pulitika at Ekonomya: Ang Paglalakbay ng Wikang Filipino at Bansang Pilipinas Tungo sa Paglinang ng Adhikaing Pilipinismo at Pagpapalaya ni Jonathan Geronimo, Ano ngayon kung Jejemon ni  Danilo Arao, Intelektwalismo at Wika ni Renato Constantino, at Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan ni Conrado De Quiros. Ang limang artikulong nabanggit ay may kanya-kanyang mga punto na ipinapahayag patungkol sa wikang pambansa. Ina-assess nila ang mga isyu at solusyon sa paggamit ng Wikang Filipino. Layunin ng papel na ito na suriin ang mga punto ng mga artikulo at malinaw ang kauganayan nito sa pagpapalaya at apgapapunlad ng lipunan.

            Batay sa aming mga nabasa sa limang piling artikulo, ang wika ay isang napaka-makapangyarihan na instrumento na hindi dapat paglaruan o maliitin lamang. Marami sa atin ay iniisip kung bakit pa ba natin kailangan ng wika, eh sabi nga ng iba ay "mas malakas pa ang kilos kaysa sa salita", ngunit dapat din nating tandaan na ang wika ay isang napakalaking sanhi ng ating pagkakaisa, hindi lang bilang isang taong naninirahan lang sa bansang ito, kung hindi bilang isa sa mga mamamayang makabayan. Katulad nga ng sinabi ni Marisol Mapula: “Ang wika ay susi ng puso at diwa, tuluyan ng tao’t ugnayan ng bansa.”

            Napansin namin na lahat ng mga artikulo ay pinapakita ang wika bilang isang kasangkapan para sa nasyonalismo. Ito ay mayroon kagagawan sa ating kasaysayan. Marami ang nanakop at sinubukang sakupin ang bansa. Marami nang dugo ang tumulo, mata ang lumuwa, at buhay na inalay para lang matikman ng mga ninuno natin ang demokrasya laban sa mga dayuhang mananakop. Naalala ko sa aming talakayan noon ang pagbabawal ng mga Kastila na matuto ang mga Pilipino ng kanilang wika dahil natakot sila na baka ito ang magiging simula ng kanilang pagrerebelde laban sa Espanya. Hindi naman ipinagkait ng mga Amerikano ang wika nila ngunit ito ay may kapalit pala na walangsawang pagkuha ng mga likas na kayamanan ng bansa. Ang hapon naman ang nagbalik ng wikang Pilipino nakaraan na ang ilang dekada. Dahil na rin sa impluwensya ng mga dayuhan, hindi natin maipagkakaila na ang kultura nila ay naging kultura na rin natin.
   
     Naibigay ni Geronimo (2012) ang pangunahing isyu sa Wikang Filipino ngayon, ito ay ang "Tumitinding gahum ng Wikang Ingles sa mga larangang pangwika".  Inilarawan niya ito bilang "Tila isang "habagat" na pumipigil sa ganap na intelektwalisasyon ng Wikang Filipino". Sa pangunahing pagagmit nito sa aing Akademya, sa talastasang na mga "higher at middle class",  naluklok sa pedestal ang Wikang Ingles bilang isang wikang intelektwal, habang ang Wikang Filipino ay itinuring na mababaw. Ani nga ni De Quiros (1996), ang paggamit sa Wikang Filipino ay mababaw at matatagpuan limitado sa mga pahayagang tabloid. Ipinunto pa ni Geronimo (2010) na nakadagdag pa sa gahum ng Ingles ang panukala ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Lubos kaming sumasang-ayon sa argumentong ito dahil kitang-kita sa ating mga pilipinong mag-aaral ang pagtatangi sa Ingles na sanhi ng misedukasyon. Halos hindi nagagamit ang wikang pambansa sa mga mahahalagang usapin sa ating bayan. Hinalimbawa ni Geronimo (2010) ang paggamit ng Wikang Ingles sa sesyon ng senado, gayundin sa mga dokumento ng human rights. Dahil dito ay hindi nagiging tagapamagitan ang wika (Geronimo, 2010). Hindi magkaunawaan ang isang "edukado" at ang regular na mamayan. Ang mga opisyal na nakalulok ngayon na nagwawalang-bahala sa wika, gayundin ang kolonyal na mentalidad ng ilan nating mga kababayan ang patuloy na bumabansot sa Wikang Filipino at sa ganap na intelektwalisasyon nito. Nakakalungkot isipin na ang ating bansa mismo ang lumilikha ng sarili nitong habagat sa sarili nitong wika. Panahon na para malaman at gamitin ang Wikang Filipino intelektwalisadong potensyal nito. Gamitin ito sa gobyerno, sa Akademya, gayundin sa mga matatalinong diskurso. Ika nga ni De Quiros (1996), ang husay ng wika ay nasa gumagamit nito. Sang-ayon sa sosyolinggwistikong teorya, ang Filipino ay di dapat ituring na mababa sa Ingles, bagkus ay katumbas nito na may kakayahang maging intelektwal.

       Binigay naman ni Arao (2010) ang isyu patungkol sa diskriminasyon ng Jejemon bilang isang Sosyolek. Sang-ayon kami sa kanyang tinuran na hindi dapat kamuhian ang mga Jejemon sapagkat ang kanilang sosyolek ay isang pamamaraan ng pagpapa-unlad ng wika. Hindi dapat kamuhian ang isang bagay na hindi naiintindihan. Bagamat magulo ang kanilang ispeling at bokabularyo, parte pa rin ang Jejemon ng ating kultura at nararapat lang na respetuhin gaya ng iba pang sosyolek n a nabuo sa ilalim ng Wikang Filipino.   

      Ipinunto rin ni Geronimo (2012) ang mga anti-mamayang patakaran sa gobyerno bilang sagabal sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino, mga patakaran na sanhi ng paglaganap ng kagutuman at kadahupan ng ating mga kababayan. Hinalimbawa ni Geronimo (2012) ang paggiba sa mga bahay, kung saan niyuyurakan ang karapatan ng mga mamayan na magkaroon ng tirahan, ang pagbawas sa badyet ng State Universities ng 26% noong 2011, at pagkaltas sa badyet ng kalusugan ng 3.5% noong 2011. Ang resulta ay kawalan ng pagtangkilik sa pagtataguyod ng bansang malaya at maunlad (Geronimo, 2012). Lubos kaming sumasangayon dito sapagkat sino nga naman ang magkakaroon pa ng ganang gamitin at palaganapin ang wikang pambansa kung kapos ka na sa buhay? Kung  ang mga State University ay kakaltasan ng malaking porsiyento sa badyet, paano sila makakatulong sa pagpapalaganap sa Wikang Filipino? Siyempre ang uunahin nila ay ang mga pasilidad at pangangailangan ng mga estudyante bago ang lubos pang pananaliksik at pag-aaral sa wikang pambansa. Kung maluluklok pa rin ang mga lider ng bansa na walang sinseridad sa mga mamayan, patuloy ang paghihirap ng mga pilipino at patuloy rin ang paghambala sa kaunlaran ng wikang pambansa.

     Ayon kay De Quiros (1996), dapat palakasin ang Wikang Filipino bilang wikang pambansa at ang Ingles naman bilang ikalawang wika. Dapat ay tumulad tayo sa ibang bansa na hindi pinabayaan ang wika nila kahit pinapalakas nila ang Ingles. Kung may nararapat bigyan ng higit na prayoridad na wika, ito ay ang Filipino sapagkat ito ang boses ng ating bansa. Malaya tayo sa paggamit nito at malaya tayo sa pagpapahayag gamit ito. Ating nalalabas ang ating saloobing makabayan sa isang paraang masidhi at mauunawaan ng ating kababayan kung ito'y nasa wikang Filipino. Nararapat itong pahalagahan dahil sa paggamit nito ay napagkakaisa ang dalawang uri ng mamamayan sa bansa at nabubuo ang tunay na bayanihan. Gamitin sa pahayagan, gamitin sa mga matalinong diskurso. Isangkot ang mga regular na mamayan sa matalinong pagsusuri at pag-uusap at nang hindi sila maging "alien" sa mga isyu ng bansa.

    Ayon sa pamagat ng "Wikang pambuklod sa malayang kultura, wikang mapagpalaya ng masa" ni Geronimo (2012) ang wikang pambansa ay may kakayahang pagkaisahin tayo sa kulturang Pilipino. Ang Wikang Filipino ay mainam gamitin sa pagkilos at pakikisangkot (Geronimo, 2012). May impact ang paggamit ng wikang Filipino sa pagsusulong ng adyenda (Geronimo, 2012). Ang Wikang Filipino ay isang wikang nauunawaan bilang bukal ng kapangyarihan ng mamayan, susi sa pagkakaisa. Hinalimbawa ni Geronimo (2012) ang kapansin-pansin popularisasyon ng mga awitin ni Gloc-9 sa kanyang mga awiting tulad ng "Upuan" at "Walang Natira". Ito ay isang perpekto halimbawa ng pagkakaisa ng mataas at mababang uri ng mamamayan ng bansa. Sa matalinong pagtalakay sa mga isyu, napukaw ng mga awitin ang mga intelektwal. Sa paggamit ng wikang pambansa, madaling nauunawaan ng regular na mamamayan ang mga isyung dapat niyang malaman. Nababasag ang pader sa dalawang panig at sila'y nagiging isa sa pagkamulat sa mga isyu. Sa ganitong paraan ay lumalaya ang lipunan sa pagiging "alien" ng masa.

Marami pang mailalahad ang limang artikulo na aming nabasa. Ngunit sa aming mga nabasa, lalong lumawak ang aming kaisipan sa wika. Dati rati ay masayang makakita ng wika na nakakaaliw, ngayon ay lalo ko pang napahalagahan ito. Nangangarap kami bilang mga susunod na peryodista, sa telebisyon man o sa dyaryo. Ngunit hindi namin matatakasan ang wika dahil ito ay magiging parte ng aming buhay, nagtatrabaho man kami o hindi. Kahit nananaginip ay ginagamit ko rin ito. Walang araw na hindi ko ito magagamit. Kahit simpleng pag-uusap sa sarili ay maituturing ko nang wika. Pati rin ang mismong paglilimbag namin sa kompyuter ay maituturing na wika dahil sa bawat salita na aming maisusulat ay binubuo na naming ito sa aming isip. Talaga nga naming nakakaaliw at nakakabaliw ang wika. Nakakamulat ito ng isipan at nakakalambot rin ito ng aming puso. Maraming perspektibo pagdating sa wika at ginagamit rin ito lalong-lalo na ngayon sa mga social media, kaya kahit aliw na aliw tayo sa wika ay kailangan natin pangalagahan ang ating sasabihin. Pero kahit ganoon man ay respetuhin natin ang mga pagsusulat at paggamit ng wika. Whether you make usap-usap to your kaibigan like this, 0h.,k4Y4h pw3dE r1n n6 g4n1T0h., o kahit ano pa mang klase iyan, basta alam mo sa sarili mo na: “Ako ito, ito ang aking wika. Ang wikang ito ay aking minamahal,” e di mahalin mo ang iyong wika. Malay natin, ito ang makakapagunlad sa ating lahat, oh diba?


MGA SANGGUNIAN:

Arao, D. A. (2010). Ano ngayon kung jejemon? Pinoy Weekly. Retrieved from http://http://pinoyweekly.org/new/2010/06/ano-ngayon-kung-jejemon/

Arao, D. A. (2007, August 2). Pamamahayag, Ekonomiya at Wika. Pinoy Weekly. Retrieved from http:// http://www.pinoyweekly.org/pw6-30/op_ed-6_30_3.htm

Constantino, R. (1996). Intelektewalismo at wika. In Constantino, P.C., & Atienza M. (Eds.) Mga piling diskurso sa wika at lipunan (pp. 47-52). Quezon City: University of the Philippines Press.

De Quiros, C. (2010). Wika Ng Kapangyarihan, Kapangyarihan Ng Wika. Retrieved from http://http://www.thephilippineliterature.com/ang-kapangyarihan-ng-wika-ang-wika-ng-kapangyarihan/

Geronimo, J. V. (2012). Nasyonalisasyon ng Kultura, Pulitika at Ekonomya: Ang Paglalakbay ng Wikang Filipino at Bansang Pilipinas Tungo sa Paglinang ng Adhikaing Pilipinismo at Pagpapalaya. Retrieved from http://www.scribd.com/doc/103206490/Gawad-KWF-Sa-Sanaysay-2012

No comments:

Post a Comment